Wednesday, August 19, 2009

Salang Wikain....

*(This is a speech made by my classmate in FIL011. I was delighted when I heard it so I asked a copy from him. And I have revised some of the words from his original context.)

Noon pa may hindi na maaalis sa ating mga Pilipino ang paniniwala sa mga kasabihan o sa mga tinatawag nating sabi-sabi ng mga matatanda. Ngunit hindi lahat ng mga kasabihang ito ay tama, ang iba ay sadyang may-tama lamang at ang iba naman ay tila balbal at wala namang kabuluhan.

Mayroong tayong mga kasabihang ikinukumpara o iniuugnay ang mga bagay na wala namang kinalaman sa isa’t isa, halimbawa na lang:

“Ang buhay ay parang gulong, minsang nasa ibabaw, minsang nasa ilalim”. Hindi ko lubos maisip kung anong silbi ng gulong kung ito ay nasa ibabaw ng sasakyan… dahil ba pabigat ng mga pantapal sa butas na bubong nito?

“Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo”. Bakit naman, kabayo lang ba ang may karapatang makinabang sa damo.

“Ang hindi lumingon sa pinanggalingan hindi makakarating sa pinaroroonan”. E hindi ba mas marami pa nga ang mga jeep na nababangga dahil palingon-lingon ang mga drayber sa mga pasahero na pinanggalingan ng pampagasolina nila.

“Kung may isinuksok may madudukot”. Mayroon ngang isinuksok, mayroon namang mandurukot. Wala rin.

“Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay”. Ang tanong, tatanggapin ba niya yung tinapay? Di kaya’y bato ka ng bato, di naman nya nasalo, edi nagsayang ka lang?

“Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mahigit pa sa mabaho at malansang isda”. Kung bakit naman sa dinami-rami ng bagay ay ikinumpra ang tao sa isdang hindi nga maalam magsalita. At ano namang panama ng isda e isang prito mo lang sa kanila pagkain na. Igalang naman natin ang karapatan ng tao na mamili ng wikang kanyang gagamitin.

At mayroong ring mga kasabihang sadyang mali naman at walang katuturan tulad ng:

“Kung anong tinanim, siyang aanihin”…

Ginagamit para sabihin , na kung anong mabuti o masamang gawa ang ibinigay mo sa ibang tao ay siya ring ibabalik nila sa iyo bilang ganti o kaya nama’y bilang pagtanaw ng utang na loob. Teka teka… hindi naman lahat ng tao marunong tumanaw utang na loob. At minsan rin, sa sobrang bait mo sa kanila, ay nagiging dahilan naman iyon para samantalahin nila ang iyong kabaitan at minsan ulit, sobrang bait at mapagbigay ka na sa kanila, pero masama pa ang pag-uugaling ipinapakita nila sa iyo at kilala ka lang kapag may kailangan sila sa iyo.Sabagay kapag sinuri natin ng literal ang kasabihang ito, maling-mali na kaagad, na “kung anong raw ang itinanim, siya ring aanihin” dahil kapag nagtanim ka ng munggo ..hindi ba togue ang tutubo? Talaga naman ah!

Heto pa ang isa:

“Papunta ka pa lang, pabalik na ako”

Kalokohan! Yan ang sasabihin sayo ng karamihang taong mas matatanda sayo kapag makasagutan mo sila o maka-away. Ginagamit nila itong pandepensa para hindi ka na makasabat.
Ang dapat mong gawin sa mga sitwasyong ito ay huwag tumigil sa pagsasalita at pagdedepensa sa katuwiran mo, lalo na kung binanggit na nila ang kasabihang ito, dahil ang katotohanan, ginagamit yan ng karamihang matatanda kapag wala na silang maisip na pantapat sa mga katwiran mo… sa madaling salita ginagamit nila ito tuwing malapit na silang matalo: isa sa masasabing huling alas nila, na talaga naman epektibo sa karamihan.
Kung susuriin ang kasabihang ito, ang pangunahing ipinagmamalaki dito ay ang kanilang edad, kesyo matanda na sila at dapat sila ang tama dahil mas marami na silang alam kaysa iyo.
Ang sa akin lamang “hindi batayan ang edad para maging tama ang isang tao” .

Heto pa ang isa sa mga kinaiinisan kong kasabihan:

“Walang bata ang marunong magsinungaling”

Ano raw?!? Ito ang kanilang sinasabi kapag may isang pangyayari at tinanong natin ay ang isang bata, marami ang naniniwala kaagad dahil hindi daw marunong magsinungaling ang mga ito. Sabi nga natin, ang bata ay maaari nating ikumpara sa isang blankong papel na kahit ano ang isulat ng mga taong nakapaligid at nagpapalaki sa kanya, iyon ang siyang tatatak sa papel na ito, na kung puro kasinungalingan at pagsisinungaling ang nakamulatan ng bata, magiging sinungaling na rin ito. Nagagamit naman ng mga batang sinungaling na ito ang kanilang pagiging bata bilang katibayan sa mga binibitawan nilang kasinungalingan na siya namang kinakagat ng mga walang utak na matanda na naniniwala agad sa mga ito. Mas madalas pa nga sa mga bata ang magsinungaling, ginagamit nila ito bilang panakip sa mga nagawang kasalanan, dahil takot silang mapagalitan, maparusan.

At ang huling kasabihan na alam ko namang alam na alam nating lahat:

“Kabataan ang pag-asa ng bayan”…

Kabataan raw ang pag-asa ng bayan. Ibig sabihin ba nito na kung tumanda na sila ay hindi na sila maaasahan. Sarap raw pakinggan no? Oo kase magka-rhyme eh. Pero mahirap ipaliwanag. Ito ba yung mga kabataan na halimbawa walumpung taong gulang ka tapos yung mga anak mo mga limampu’t apat na taong gulang na sa tingin mo ay pag-asa ng bayan dahil sila ang magaalaga at magpapalamon sa iyo habang ikaw ay pahiga-higa na lang at pakuya-kuyakoy sa tumba tumba mo. O ito ba yung mga kabataan na nagkalat sa kalye ngayon na nag gu-grupo grupo para suminghot ng rugby , marijuana, mag-shabu, mag-inuman, magnakaw, makipag talik sa kung sino sino, tumambay habang buhay at maging pabigat sa lipunan?

Bakit nga ba tayo naniniwala sa mga kasabihan at salawikain ito. Dahil ba sa maganda itong pakinggan, o dahil sa ito ang gusto mong marinig. Kasabihan ba o sabi-sabi lamang. Wika nga, sala naman, hindi nga ba kaya ito ay tiniwag na salawikain: salang wika. Hindi naman siguro masamang maniwala sa mga mga kasabihan. “Words of wisdom” nga raw ika nila, ngunit totoong hindi lahat ng kasabihan ay may nakatagong kaalaman.

Magandang hapon po sa inyong lahat.




Courtesy of: The Iron Raven
In cooperation with: Guru M.

No comments:

Post a Comment